Kapag pumili tayo ng kulay para sa ating mga kwarto, umaasa tayo na magtatagal ang ginamit na pintura sa matagal na panahon. Pero kung nakikita na nating namamalat o nagbibitak ang pintura, na halos puwede mo nang tuklapin gamit ang sariling kamay, malaking problema ito lalo kung gusto nating manatiling kaaya-aya ang ating pader. Ano nga ba ang mga kailangan alamin tungkol sa tumutuklap na pintura?

Mga Dahilan Kung Bakit Tumutuklap Ang Iyong Pintura

Mga Kailangan Alamin Tungkol sa Tumutuklap na Pintura | MyBoysen

Wala o Maling Surface Preparation

Ang surface preparation ang hakbang sa pagpipintura kung saan nililinisan ang pader bago lagyan ng primer. Kapag hindi ginawa ang hakbang na ito nang tama, pipigilan ng matitirang alikabok at dumi na kumapit ang bagong pintura nang husto. Sa pagkakataon na nagagasgasan ang pintura, madali itong matutuklap.

Pagtagos ng Tubig sa Pader

Malaking balakid din ang moisture para manatiling nakakapit ang pintura sa konkretong pader. Maaring mali ang surface preparation, tulad ng nasabi, o maaring may problema sa loob ng pader mismo kung saan tinatagusan na ito ng tubig. Ang resulta ay blistering o pagpapaltos ng pintura na magreresulta ng madaling pagtuklap din nito.

Magkapatong na Magkaibang Pintura

Kapag nagpapalit ng kulay, mayroong tinatawag na paint compatibility. Ibig sabihin, kapag pareho lang ang materyal ng pintura na papalit sa lumang pintura, maari mong hindi na tanggalin lahat ng lumang pintura. Subalit, hindi kakapit ang pintura kapag hindi pareho ang komposisyon ng pintura, halimbawa kung ang solvent-based ay ipapahid sa water-based na pintura o primer. Kapag nagsasama ang pinturang hindi compatible, maapektuhan ang pagkadikit ng topcoat. 

Masyadong Maraming Pahid ng Pintura

Huwag magpahid lang ng magpahid. Hindi pwede madaliin ang pagpipintura. Hindi laging pwedeng ipahid ang bagong pintura sa lumang pintura dahil hindi talaga magkakaroon ng tamang adhesion ang bagong pintura sa pader, tulad ng nasabi sa naunang punto. Gayundin, kahit tinanggal ang lumang pintura, minsan sumosobra ang coats na nilalagay. Mabigat ang masyadong makapal na pagpipintura at hindi kakapit ang topcoat sa pader nang maayos.

Mababang Kalidad ng Pintura

Madalas, madaling tumuklap ang pintura dahil hindi maganda ng kalidad nito. Lalo kung luma na ang pintura, maapektuhan ang kakayahan nito na dumikit sa konkretong pader. Kahit maayos ang surface preparation, at compatible ang primer at topcoat, ang hindi magandang pintura ay hindi rin magtatagal sa iyong pader.

Mga Hakbang sa Muling Pagpintura Para Maiwasan Ang Pagtutuklap

Mga Kailangan Alamin Tungkol sa Tumutuklap na Pintura | MyBoysen

1. Tanggalin nang Husto Ang Lumang Pintura

Sapat na ang scraper upang magtanggal ng tumutuklap na pintura. Kaskasin lang nang maayos ang pintura, at itutok ang scraper sa pader sa mababang anggulo. Kung kinakailangan, gumamit ng Boysen Paint and Varnish Remover kung hindi kaya ng scraper lamang.

2. Gawin Ang Surface Preparation nang Tama

Linisin nang mabuti ang konkretong natanggalan na ng pintura. Huwag mahiyang gumamit ng tubig at sabon o detergent para matanggal ng husto ang mga dumi sa pader. Matapos matuyo, siguraduhin walang matitirang dumi o alikabok.

3. Gumamit ng Tamang Primer

Sundin ang paint compatibility sa pamamagitan ng paggamit ng tamang primer na nakasaad sa painting schedule ng piniling topcoat. Madalas, Boysen Permacoat Flat Latex ang primer para sa mga acrylic na pintura tulad ng Boysen Healthy Home at Virtuoso Silk Touch. Para sa Boysen Acrytex naman na ginagamit para sa labas ng bahay, Acrytex Primer ang ginagamit.

4. Magpintura Gamit Ang Pinturang Mataas Ang Kalidad

Maaasahan ang Boysen sa mga de-kalidad na topcoats. Siguraduhin lang na ang mga pintura ay tinatago nang maayos, para hindi makompromiso ang kalidad nito. Gayundin, gamitin ito bago mag-expire, lalo kung gagamit ng water-based na pintura. Gumamit ng Paint Calculator para malaman ang eksaktong dami ng pintura na gagamitin. 

5. Pumili ng Tamang Panahon Para sa Iyong Pagpipintura

Naapektuhan rin ang kapit ng pintura sa kung kailan mo gagawin ang pagpipintura. Sikapin magpintura sa panahon na hindi humid o maulan. Huwag rin magpintura sa panahon na masyadong mainit. Tiyakin na ang panahon ay maaliwalas at may temperatura na 25-30 degrees Celsius.

Common Painting Problems: What is Peeling?

Huwag sayangin ang pintura na magdadala ng kulay sa iyong tahanan. Alalahanin ang mga tips na ito para sa iyong susunod na home renovation.

Para sa mga gabay tungkol sa problema sa pintura, mag-subscribe sa blog. Para sa mga katanungan, magpadala ng email sa ask@myboysen.com para matulungan kayo ng aming technical team.

Author

Andrieu is an enjoyer of art and poetry. He can also be frequently seen listening to music and playing video games.

Write A Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.