Hi, Lettie.
Napalatidahan yung interior and exterior walls namin 2 years ago pero hindi lang napinturahan dahil wala pang budget noon. So, I’m planning to do it myself.
Kailangan ko pa bang lasunin yung mga pader or puwedeng direct primer, putty, and topcoat na?
Thank you.
From,
Boysen User K
—
Hi, Boysen User K!
Dahil 2 years na ang palitada sa pader mo, hindi na siya kailangang lasunin. Naglalaan ng 14 to 28 days na curing time para sa mga bagong kongkreto bago ito nilalason. Pero, kapag lumampas na ang 28 days, tulad ng sa iyo, puwedeng hindi na ito lasusin.
Kaya lang, bago ka magpintura, kailangan mo pa rin magsagawa ng angkop na surface preparation para sa mga pader mo. At saka ka pa lang makakapagpintura. Ito ang steps:
Surface Preparation
Step 1: Maginspeksyon
Sa exteriors na mga pader, i-check kung may mga malubhang cracks at butas na maaaring maging sanhi ng pagtagas ng tubig (a.k.a. water seepage). Kung meron, ipaayos muna ito sa professional, tulad ng contractor o engineer, bago magpahid ng pintura.
Step 2: Mag-sanding
Magpasaliha, o sanding, para matanggal ang anumang dumi na nasa surface. Siguraduhing malinis at tuyo ang surface pagkatapos para handa na ito para sa pagpipintura.
Painting Procedure
Step 1: Primer
Kapag naisagawa na ang angkop na surface preparation, puwede nang magpintura. Una sa painting process ang pag-apply ng primer. Gumamit ng Boysen Permacoat Flat Latex B‑701 (1 hour drying time). Isang coat lang ang kailangan na ipahid.
Step 2: Putty
Sunod ay ang putty o masilya. Ginagamit ito para maitama ang mga minor imperfections sa surface katulad ng maliit na cracks at butas. Usually, less than 1mm ang kayang habuling imperfections ng masilya.
Para sa interiors, gumamit ng Boysen Masonry Putty (2 hours drying time). Para sa exteriors, gumamit naman ng Boysen Acrytex Cast (4 hours drying time). Ina-apply ang putty gamit ang putty knife.
Step 3: Spot Prime
Lahat ng nilagyan ng putty ay kailangan mai-spot prime. Mag-apply ulit ng Boysen Permacoat Flat Latex B‑701 sa mga areas na nilagyan ng masilya.
Step 4: Topcoat
Pagkatapos ng lahat ng ito, makakapag-topcoat ka na. Para sa topcoat, gumamit ng Boysen Permacoat Latex sa napiling kulay at sheen. Dalawang coat ang i-apply.
Good luck!
Your painting partner,
Lettie
Kailangan mo rin ba ng painting advice? Magtanong sa Paint TechTalk with Lettie gamit ang comment section sa ibaba o mag-send ng email sa ask@myboysen.com.