Grabe ang buhos ng ulan nitong mga nakaraang araw, ano? Mapipilitan ka lang talaga manatili sa iyong tahanan. Pero sa ganitong mga panahon rin naglalabas ang mga problema sa pintura. Inaasahan natin na mananatiling maganda at makulay ang mga finishes ng ating tahanan. Pero, tubig at moisture ang kanilang kalaban. Iba’t ibang mga problema sa pintura ang lalabas dulot nito. Ano nga ba ang mga iyon? Isa-isahin natin.
1. Pagpapaltos at Pagtuklap

Makikita mo ito kapag lumolobo ang paint film. Kapag nagagalusan, napupunit at tumuklap.
Bakit ito nangyayari: Umaangat ang paint film dahil may pumasok na moisture sa ilalim nito. Maaring dulot iyon ng pagtagas ng tubig sa iyong bahay. Mas madalas ito mangyari sa mga glossy na pintura kaysa sa mga may matte o flat na finish.
Ano ang kailangan gawin: Gumamit ng scraper at tanggalin ang mga lumolobo at tumutuklap ng pintura. Bago mag-repaint, siguraduhin muna na masolusyonan ang pagtagas. Kung hindi magampanan, babalik ulit ang problema.
2. Umido

Ito ay magaspang na mukhang puting alikabok sa iyong pader. Tinatawag ito na umido o efflorescence. Ito ay mga salt deposits na galing mismo sa kongkretong materyal ng pader.
Bakit ito nangyayari: Kapag nagkakaroon ng pagtagas ng tubig, kinakatas nito ang salt deposits mula sa kongkreto kapag natutuyo. Posibleng dulot ito ng kakulangan sa pagpapatuyo at paglason o pag-neutralize ng bagong kongkretong pader bago pinturahan o tubig na tumatagas sa kongkretong pader.
Ano ang kailangan gawin: Kaskasin at linisin ang lahat ng umido na makakaya mo. Maari kang maglagay ng sealer para matapalan ang moisture sa mga high humid areas. Kung ang presensiya ng tubig ay dahil sa pagtagas, mahalagang maagapan din iyon.
3. Amag

Malalaman mo agad kung may amag o molds ang iyong bahay dahil sa hindi kaaya-ayang amoy nito. Sa iyong pader, makikita mo ito bilang itim o berdeng mga himulmol na malusak kapag hinawakan.
Bakit ito nangyayari: Dalawang bagay ang kailangan para lumago ang molds—organic na materyal na makukuha sa dumi at alikabok na nasa pader, at moisture na madalas dulot ng maulan na panahon.
Ano ang kailangan gawin: Linisin ang amag gamit ang isang bleach solution (1 parte na bleach, 3 parte ng tubig). Bumabalik-balik ang amag kaya siguraduhin ang regular na paglilinis ng iyong mga kisame at pader. Maari ka rin magpalit ng pintura at gumamit ng produkto na mold-resistant katulad ng Boysen Healthy Home.
4. Pagkalawang

Ito ang pagkasira ng bakal kung saan nagiging pula o orange ito. Lalo na sa iyong bubong, nagdudulot ng pagbutas ang kalawang kapag hindi agad naaagapan, na magdadala ng pagtulo ng tubig tuwing umuulan.
Bakit ito nangyayari: Ang pagkalawang ang natural na reaksyon kapag ang bakal ay exposed sa tubig at hangin. Mas madaling kalawangin ang bakal na hindi protektado ng pintura.
Ano ang kailangan gawin: Tanggalin manually gamit ang sandpaper o steel brush. Kung mayroon pa, gamitan ng rust converter tulad ng Boysen Metal Etching Solution. Pinapahid ito gamit ang brush. Maghintay ng 10–15 minuto habang tinatanggal ng solution ang kalawang. Inuulit ang proseso hanggang matanggal nang husto ang kalawang. Pagkatapos tanggalin ang kalawang, pahiran agad ng primer para maiwasan ang flash rusting, o biglang pagkakaroon ng kalawang na mukhang splash marks. Ang primer na gagamitin ay Boysen Red Oxide Metal Primer o Boysen Rust Off.
5. Saponification

Konting exposure lang sa tubig, kumakatas na at nag-iiba agad ang kulay ng pintura? Malambot rin ang texture na parang sabon? Ang tawag dito ay kumukulong pintura o saponification.
Bakit ito nangyayari: Ang ganitong klase ng pagkatas ng pintura ay nangyayari kapag na-eexpose sa tubig ang oil-based na pintura na ginamit sa kongkretong surface. Hindi kasi compatible ang oil-based na produkto sa alkali na materyal ng kongkreto kaya nagkakaroon ng ganoong reaksyon.
Ano ang kailangan gawin: Scrape hanggang bare at linisin ang surface. Magpintura muli gamit produkto na compatible sa kongkreto.
6. Moisture Blushing
Moisture blushing ang tinatawag sa pamumuti ng paint film kapag ang pintura o barnish na ginamit ay lacquer-based. Halimbawa ay kapag namuti ang kahoy kapag pinatungan ng malamig na baso.
Bakit ito nangyayari: Ang moisture blushing ay ang na-trap na moisture sa ilalim ng paint film. Mas lalong madaling mangyari ito sa tuwing maulan, malamig o maalinsangan ang panahon.
Ano ang kailangan gawin: Haluan ng Boysen Lacquer Flo ang pintura o clear coat na gamitin bago i-apply sa kahoy. Pinapabagal nito ang pagtuyo ng pintura para maiwasan ang pag-trap ng moisture. Alamin ang proseso sa paggamit dito.
Agapan ang mga Problema sa Pintura Bago Lumala
May solusyon sa bawat problema sa pintura na dulot ng tubig at moisture. Lalo na at panahon ng ulat at habagat, maging mapagmatyag sa mga isyung ito. Sundan ang tamang proseso sa pag-repaint para manatiling maganda ang iyong tahanan.
Kung may iba ka pang mga problema sa pintura, huwag mahiyang magpadala ng iyong katanungan sa [email protected]. Maari ka rin tumawag sa (02) 8363-9738 local 413 to 418 tuwing office hours para sa one-on-one na konsultasyon.
Mag-subscribe na rin sa blog at sumali sa aming newsletter para masubaybayan ang mga bagong labas namin na mga painting tips, room inspirations at iba pa!